Dumarating ... Umaalis
Isang araw,
naglalakad ako sa Forestry. Nakasalubong ko ang isang tita na nagtatrabaho sa
isang office ng UPLB. Nag-usap kami at nagkumustahan Tinanong ko sya kung pwede
pa ba ako mag SA sa kanila. Tapos na yata kasi ang period para mag-apply.
Sinabi nya sakin na pwede daw. Irerequest na lang daw nila ulit sa OSA na
kukuha pa sila ng isa pa para makuha nila ako. Sobrang nagpasalamat ako sa
kanya.
Nakarating kami sa
sakayan ng jeep at habang naghihintay, maraming ibang sasakyan ang dumaan.
Hanggang sa isang malaking truck ang sunod na dumaan at sa di inaasahan …
nagulungan ng truck ang kanang paa ko. Dugo. Maraming dugo. Pilit kong
hinahanap sa paa ko ang sugat na pinagmumulan ng dugo ngunit masyadong marami
ito na tila tinatakpan na ang buong paa ko. Sa kabila nito, wala akong
nararamdamang sakit.
Naglakad kami ni
tita ng kaunti. Patuloy sa pag-iwan ng bakas ang paa ko sa kalsada. Sumakay
kami sa isang coaster na puro mga gradeschool students ang nakasakay. Bumaba
kami sa arko ng Forestry at doon ay itinuro nya sa akin kung saan pupunta para
ipacheck yung paa ko ngunit nawala na sya.
Nakasabay ko sa jeep
ang isa pang kapwa ko esyudyante. Sya naman ang nagsabi sa akin na, "Sa bababaan mo, may hagdan pababa. Sundan mo lang
yun, makikita mo rin yung gagamot sa sugat mo." Ihininto ng driver
ang jeep sa lugar kung saan ako bababa ngunit hindi ako sinamahan ng kapwa ko
iska. Sinunod ko na lang ang payo nya. Pagbaba ng hagdan ay nakita ko ang
pagamutan. Tinanong nila ako ng ilang tanong at kanilang ginamot ang aking sugat.
Nakatulog ako
kaninang hapon.Ito ang panaginip ko. Pagbangon ay aking naisip ang nais nitong
ipahiwatig sa akin:
Minsan sa buhay,
hindi natin maiiwasan ang masugatan. Maaaring ang sakit na dulot nito ay sa
ating paningin o pakiramdam ngunit kahit ano pang mangyari, may mga tao tayong
makakasalamuha sa daan. Marami sila pero ilan lang yung makakapagturo ng daan.
Sa paglalakbay upang mahanap ang kagalingan, walang isang tao na makakasama mo
mula sa pagkakaroon mo ng sugat hanggang sa gumaling ito. Sa bandang huli, pag
narating mo na ang dulo, makakaya mo na magsalita at ikwento ang lahat ng
pinagdaanan mo mula simula hanggang sa kinaroroonan mo at tuluyan mong
mararating ang tunay na kagalingan na magmumula sa sarili mo mismo.
Ang mga tao sa buhay
natin ay dumarating at umaalis din. Ganun din tayo sa buhay nila. Hindi natin
mahahanap ang kagalingan mula sa iba dahil sa sarili natin ito magmumula. At
may isang bagay tayong matitiyak: May
kagalingan. Kailangan lang natin maging malakas upang lumakad at hanapin ito.
Comments
Post a Comment