Gusto natin maging
masaya. Sino ba naman sa atin ang gusto ng kalungkutan? Dahil dito, mas
pinipili nating tingnan ang kagandahan ng mga bagay at mas gusto nating umasa
na lahat ay magiging maayos. Sapat na nga bang
piliin at umasa sa "bright side" sa lahat ng pagkakataon? O kailangan
din namang maging bukas sa realidad ng buhay na hindi parating maliwanag?
Simula nung unang
namulat ang mata ko sa kalungkutan ng buhay, itinatak ko sa aking isip na
kailangan kong tingnan ang "bright side" ng kalungkutang nararanasan
ko. Hanggang sa matutunan kong maging tunay na masaya, naniwala ako sa
"bright side". Kadikit nun ang pag-asa kong lahat ng mangyayari sa
akin ay may "bright side". Ngunit ngayong unti-unti ko nang
naiintindihan ang realidad ng buhay, unti-unti rin nawala sa mga pangyayari ang
kinang ng "bright side" nito. Ilang beses na din na naging blanko na
ang lahat, wala ni katiting na liwanag. Tila nawalan ng silbi ang mga mata ko,
hindi man lang kinayang mag-adjust sa dilim ng paligid. Mahirap, masakit, nakakatakot. Sa sobrang
kadiliman, nakakatulugan ko na lang ang takot at lungkot.
Mananaginip. Minsan masaya, minsan malungkot, minsan
parang wala lang...walang pakiramdam. At dahil nakakamanhid, nakakalimutan ko
ang sakit, saya, lungkot, takot,at maging gutom.
Pero hindi doon
natatapos ang lahat. Matatapos ang kung anumang panaginip, magigising na lang
ako sa sobrang liwanag. Nakikita ko na ulit ang "bright side". Minsan
nga lang, nakakasilaw sa sobrang kinang. Nakakabulag ulit. Yung tipong hindi na
mapawi ang kaligayahan kasi limot na ang lahat ng dilim. Kaya naman dapat
magshades para di nakakasilaw masyado. Mahirap
mabulag. Masakit umasa. Nakakalungkot mabigo.
Sa mga nangyari
nitong mga nakaraang araw, linggo at buwan, natutunan kong panindigan ang
pagiging girl scout. Magdala ng kandila at posporo kung mawalan ng liwanag at
nais kong makita ang paligid. Magbaon ng shades at payong kung kinakailangan
para magkubli sa napakakinang na "bright side" at ayaw kong
magpasilaw. Naniniwala pa rin naman ako sa "bright side" ng mga
bagay-bagay pero ngayon, mas naintindihan ko na may iba-iba rin itong
brightness level. At bukod dun, nasa akin ang pagpili kung anong level ang nais
ko sa bawat punto ng buhay ko. Minsan, mas pinipili ko ang maging bulag sa
dilim dahil sa napagod ako umasa. Nagpapakabulag naman ako sa liwanag kung
gusto kong maging masaya. Gayunpaman, ayos din dun sa gitna paminsan-minsan
para nakikita ko ang dilim at liwanag. Mas
natitimbang ko rin ang mga bagay-bagay na sa bandang huli ay nauuwi sa mas
maayos na paghahati-hati ng pagpapahalagang ibibigay ko sa kanila.
Great blog... :)
ReplyDelete